Category Archives: Kasaysayan

Ako si Jose Rizal


(source: joserizal.info)

(source: joserizal.info)

Sa mura kong isipan ay namulat na ako sa kung ano ang hindi makatarungan. Minsan nga tanong ko kay Nanang, “Bakit ang mga bata hindi maaaring sumali sa usapan ng mga matatanda ngunit ang mga matatanda maaaring sumali sa usapan naming mga bata? Hindi po ata makatarungan yun Nanang?” Samantala, itinuturing kong sa Ateneo nagsimula ang mga maliligayang araw ko at ang impluwensiya ng kapatid kong si Paciano na lubos na naging malapit sa Gomburza ay ang naging dahilan upang mas umusbong ang pagmamahal ko sa bayan. Ang sabi ng Tatang sa akin noon, “Hindi lahat ng bagay ay natututunan sa loob ng bahay“; kung kaya’t sa panahong nag-udyok ang Kuya Paciano na kailangan kong mag-aral sa ibang bansa ay di ko nagawang tumanggi kahit mahirap dahil ang iniisip ko ay ang hangaring magkaroon ng sapat na edukasyon at kaalaman upang balang araw ay makatulong sa aking mga kababayan. Doon sa malayong lugar na iyun, tiniis kong mawalay sa aking pamilya at sa aking mahal sa buhay na si Leonor. Sa mga panahon ding yun ay mas malawak at mas malaya kong nakita ang tunay na kalagayan ng aking bayan; ng aking mga kababayan. Sa tulong ng naisulat kong nobela at mga nailathalang artikulo ng mga kasamahan ko sa La Solidaridad, mas namulat namin ang mga kasamahan sa Pilipinas sa lahat ng hirap at kawalang hiyaang sinapit ng kapwa mga kababayan mula sa mga walang pusong namamahala ng bansa. Ang nais ko lang naman at ng kapwa ko Pilipino ay ang magkaroon ng pagkakataon ang bawat isa na makapag-aral, mamuhay ng maayos, at may pantay na karapatan. Masama ba ang layuning ito?

z_withDelPilar

Dahil ang tunay na labanan ay wala sa ibang bayan, muli akong nagbalik sa Pilipinas at si Simon ang naging katumbas ng aking mapangahas at palabang damdaming nagtaguyod ng La Liga Filipina; isang samahang naging hanggang pangarap na lamang dahil kakarating ko pa lamang sa Pilipinas noon ay agad na akong ipinadakip at pinatapon sa Dapitan — isang islang ang kasama ko ay mga kabundukan at napakalawak na karagatan. Ngunit sa kabila ng nangyari, nagpapasalamat na rin ako dahil kung hindi dahil dito ay hindi ko makikilala si Josephine, ang asawa ko.

(source: commons.wikimedia.org)

(source: commons.wikimedia.org)

Matapos ang apat na taon, hindi pa sila nakuntento sa sinapit ko; ako’y pangunahing iniuugnay sa isang malakihang pag-aalsa ng ilang Pilipinong hindi makapaghintay ng tamang panahon upang labanan ang kasalukuyang kalagayan ng bayan; ang pag-aalsa na nagdulot lamang ng napakaraming buhay na nasayang. Dahil sa laki ng impluwensiya ng mga prayle maging sa desisyon ng pamahalaan, ako’y hinatulan ng kamatayan sa Bagumbayan kaugnay pa rin sa isyung inilaban ko at ni Taviel. Sa harap ng mga kababayan kong kailanman ay hindi ko tinalikuran, mga bala ng baril ang huling hinarap ng aking puso, isip, at katawan.

z

Ako si Jose Rizal; si Pepe; at ito ang kwento ng aking pangarap na umaasang bukas makalawa ay darating ang lampara para sa aking mga kababayan; ang lampara na siyang tutulong upang maging mas malinaw ang daanan sa pagkamit ng tagumpay na buong buhay kong ipinaglaban.
Mabuhay ang mga Pilipino!

zsig
December 30, 1896

Advertisements