Category Archives: Experiences

Behind that Move


"Bawal ba ang utang ngayon? Bukas kaya?"

“Bawal ba ang utang ngayon? Bukas kaya?”

Kamakailan lang ay mukhang ikinabigla ng ilan kong mga kaibigan ang hiling kong pabor sa kanila (isa ka ba sa mga nakatanggap ng text/DM/PM ko?). Alam kong nakakahiya, ngunit iyon lang ang tanging alam kong option na kaya kong gawin sa mga sitwasyong iyon. Wala na akong pakialam kong ano ang iisipin nila. Ang mahalaga na lang sa akin ay ang ideyang kailangan kong makaraos kaya kailangan kong subokan. Sa punto ding ‘yun, alam kong ‘di ko kayang harapin ang problemang kinakaharap ko at kailangan ko ng tulong nila — ng mga itinuturing kong kaibigan. Ang nakakatuwa, hindi nila ako binigo. Ang iba sa kanila, kahit halos pareho na kami ng pinagdadaanan, ay nakahanda paring magbigay ng pag-asa at simpleng ngiti. Ngunit kahit may iilan na naging deadma lang, alam kong may rason sila kung bakit, kaya move on na lang tayo. Naiintindihan ko sila.
At dahil nga sa karanasang iyun sa buhay ko, ngayon ay mas namulat na ako na kailangan pala talaga na alam mo kung ano ang mga priyoridad mo sa buhay at kung ano yung “wants” lang. May mga bagay na pwede nating isantabi muna at unahin yung mas kailangan natin. Mahirap ang panahon natin ngayon kaya kailangang magtipid-tipid din.Ikaw, “are you good at delaying gratification?”, that is the question na ikaw lang din ang makakasagot. Sa huli, sana’y maging tunay na kuripot ang iyong final decision sa pagharap sa mga ganitong klaseng sitwasyon. Hawak mo naman ang lahat. Tandaan mo na lang palagi, nandito ako para umalalay sa’yo anuman ang magiging kwento mo. Sana nga ako na lang, huwag lang kayo. :p

P.S.
To You: Magbabayad naman ako at hindi ako tatakas, kaya huwag kang mag-alala. Salamat nga pala. Text2x na lang.


Panahon na ang sasagot


z

“Saan ba nagsimula ang lahat?”, marahil ito ay isa sa mga katanungang minsan ay sumagi sa ating isipan. Sa ilang pagkakataon, alam natin sa ating sarili ang mga dahilan ngunit may ilang bagay sa ating buhay na sadyang kay hirap sagutin kung paano nga ba talaga ito nagsimula. Sa kabila ng katutuhanang ito, pilit nating ipinagpapatuloy ang buhay at nagbabakasakaling sa mga daang ating tatahakin ay matagpuan natin ang mga kasagutang ating hinahanap. Habang hindi kasi natin nasasagot ang tanong na nabanggit kanina ay hindi talaga natin lubusang mauunawaan ang lahat. Minsan nga may isang nagtanong sa Ask.fm kung ano ba daw ang real status nina Ryzza Mae at Bimby? Nakakatawa lang di ba? Anyway, ang ibig ko lang talagang sabihin ay mas magiging malalim ang ating kaalaman sa isang bagay kung lubusan natin itong nauunawaan. Ngunit ang ilan sa atin, hinahayaan na lang maging ‘kampante’ kung ano lang ang hinahawakang akala tungkol sa isang bagay; hindi na sumusubok na mas mapalawak pa ito. Hindi ko rin naman sila masisisi dahil wala ako sa lugar nila at hindi ko rin alam ang tunay na kwento nila. Ang sa akin lang, bawat isa sa atin ay may karapatan at kayang-kaya natin ito kung susubok tayo; kung sisimulan natin. Hindi man natin hawak ang ating oras ngunit hawak natin kung paano natin ito gagamitin. Tandaan lang natin palagi na sa bawat pagkakamali natin, may bago tayong natututunan; sa bawat pagkatalo natin, mas lalo tayong nagiging matatag; at sa bawat pakikibaka natin, mas nakikita natin ang tunay na takbo ng labanan.
Sa huli, umaasa akong kasing sulit ng buy 1 take 1 na burger ang magiging wakas ng ating mga kwento. Kung paano tayo nagsimula, sana’y ganun din tayo magwakas.


Flower at Stik-O


Paalala: Huwag gamitin ang kababawan ng isip sa pagbabasa ng post na ito na maaaring tatalakay ng isang sensitibong paksa na hindi angkop para sa mga batang mambabasa.

z

Jose Rizal (by GMA Films starring Cesar Montano) — ito ang pamagat ng pelikulang ipinapanood sa klaseng iyun ng first year students kahapon. Sa isang eksena sa pelikula, tinawag si Rizal bilang “Pepe” at agad na green minded tawanan ang bumalot sa silid na iyun mula sa mga batang nanonood. May mali ba sa salitang “Pepe” mga ka-blog? Alam nating lahat na wala ngunit kahit tayo (sa tanda MONG iyan? LOL) ay tiyak ganoon din ang ilan sa ating magiging tugon. Ang katotohanang ito ay dahil binibigyan natin ng malisya ang salitang ito. Nabibigyan natin ito ng malisya dahil lumaki kasi tayo na ang turo sa atin ng ating mga magulang at ilang nakakatanda ay bastos ang mga salitang gaya ng p*p*, t*t*, atbp. na kung tutuusin ay yun naman daw talaga ang tawag sa mga parteng iyun ng ating katawan. Kapag tinanong natin ang ating mga magulang noon kung ano ang tawag sa mga parteng iyun ng ating katawan, ang tanging sagot nila sa atin ay “flower” at “stik-o” at kasama ang paalalang “anak, huwag kang magsasabi ng salitang ganyan dahil bastos yan”. Para sa isang Philosopy teacher na na-meet ko, wala naman daw sigurong masama kung ituturo ng mga magulang sa mga bata kung ano talaga ang tunay na tawag sa mga parteng iyun ng ating katawan kapag sila ay nagtanong dahil ang paggamit ng isa pang salita bilang panghalili sa tawag ng mga parteng iyun ay nagdudulot lang ng kalituhan sa mga bata. Para sa kanya, kapag alam na ng mga bata ang tamang tawag sa mga parteng iyun ay malaki daw posibilidad na hindi na nila ito muling itatanong pa (at maiwasan na mabigyang malisya ang mga salitang ito mula sa pagpapaalala na bastos ang mga iyun?). Isa pang punto niya, hindi naman daw ito gagamitin ng mga bata sa usual nilang usapan sa araw-araw kaya daw ok lang na sagutin sila sa tamang tawag. Pero ang suggestion niya, mas mainam daw na ang ituro na tawag ay ang Ingles na katawagan sa mga parteng iyun na nabanggit kanina. Bilang pangwakas, sa kultura nating masyadong konserbatibo, ilang percent kaya sa atin ang papanig sa paniniwalang ito ni Sir Philo. teacher? :b #RelateNShare


Tips in applying for passport


z

Para sa mga kukuha ng passport sa unang pagkakataon na hindi magpapa-process sa isang agency, narito ang ilang tips ko para sa inyo:
1. Visit Department of Foreign Affairs’ website para sa mga detalye gaya ng application form, appointment schedule, atbp.
2. Ihanda ang mga kailangang requirements gaya ng updated nso authenticated birth certificate pati yung sa local birth certificate at 2 valid ID.
3. I-check ang mga informations gaya ng spelling ng pangalan, birthdate, atbp. sa mga nabanggit na requirements above upang hindi ka ma-deny pagpunta sa DFA.
4. Kung wala ng problema pa, maghanda ng Php950 para sa passport fee.
5. Pagpunta sa DFA, dapat may photocopy ka na ng iyong mga requirements kanina at ang damit na suot ay dapat may colar gaya ng polo shirt na kahit anong kulay naman.
6. Sundin lang ang mga apat na steps ata nila(DFA) sa pagprocess — tatawagin ka una para sa verification, next tatawagin ka na para sa pagpapapicture at pag-fill up ng isang form ng mga details, tapos next ang pagbabayad sa cashier.
7. Huwag ng magsuot ng hikaw para sa mga babae dahil pinapatanggal naman ito kapag magpapapicture ka na dun na hindi dapat nakatawa o hindi dapat kita ang iyong mga ngiping magaganda.
8. Kung ikukuha mo rin ng passport ang iyong anak dapat kukuha ka pa ng isang affidavit na hindi ko na tanda (napansin ko lang kasi sa iba).
9. Itanong sa mga in-charge kung kailan babalikan muli ang tapos ng passport mo sa DFA.
O siya, sana makatulong mga tips ko.


Bakit hindi ka mahal ng mahal mo?


Hiwaga ng pag-ibig (Photo taken from: www.prinsesamusang.wordpress.com)

Hiwaga ng pag-ibig
(Photo taken from: http://www.prinsesamusang.wordpress.com)

Lahat ginawa ko para sa kanya, ngunit bakit sa tingin niya wala pa rin akong kwenta” — ito ang makahulugang post ko sa twitter na nakakuha ng atensiyon sa ilan kong followers. Ilan sa kanila, nagawang mag-reply para magbigay ng payo sa akin. Feeling ko, mukhang naka-relate sila sa sitwasyon ko o napagdaanan din nila mismo. Sabi nila, mas mabuti daw na bumitaw na ako; give up na daw at huwag ng lumaban pa bilang respeto man lang sa sarili ko. Ang tanging sagot ko, paano ako bibitaw kung hawak niya ang pag-ikot ng mundo ko? Paano ako aayaw kung hindi pa ako handa? Mahirap nga naman talaga ang nasa ganitong sitwasyon. Alam kong parang sinasabi nila sa akin na “ang mahal mo ay may mahal na iba at ito’y kailangan mong tanggapin kahit mahirap at masakit man“. Ngunit, malay natin magbago pa ang takbo ng lahat di ba? Ayoko pa munang sumuko ngayon dahil pakiramdam ko may laban pa ako sa kanya; handa muna akong sumugal muli. Naniniwala din kasi ako na love could be insist in a good way; love could be learn and develop. Kung sa tingin niya’y kulang pa ang lahat ng ginawa ko, handa akong dagdagan ang lahat mapansin lang niya na mahal ko siya. Subalit kung ang talagang wakas ng kwentong ito ay ang pagkawasak ng puso ko, at least hindi ko sisisihin ang sarili ko na wala akong ginawa; na hindi ko siya pinaglaban. Ang mahalaga na lang siguro sa akin kung ganito ang mangyayari ay ang makitang masaya siya sa naging desisyon niya upang magkaroon na ako ng rason na piliting muling buksan ang aking puso para sa ibang magagandang darating pa sa buhay ko. Tama ba ako?


Sana’y Hawak Ko Ang Lahat


Sa pagtila ng ulan, sisikat din ang araw. (Photo taken from: naomifergusson.com)

Sa pagtila ng ulan, sisikat din ang araw.
(Photo taken from: naomifergusson.com)

Anuman ang gawin natin, may mga bagay sa buhay natin na di natin hawak. Kadalasan, taliwas ang mga ito sa mga bagay na gusto nating ibigay sa atin o mangyari sa atin; at dahil wala tayong magagawa, kailangan natin itong tanggapin at kailangan natin itong harapin ng face-to-face. Sabi nga, walang ibibigay sa atin na hindi natin kayang malampasan. Think positive nga lang daw at huwag umayaw dahil tiyak na may solusyon at sagot ang lahat.
Sa pagharap natin sa bawat laban, narito ang sa tingin ko’y mga bagay na may malaking maitutulong sa atin:
1. Manalig tayo sa Kanya, sa ating mapagmahal na Ama dahil tiyak akong nariyan lang Siya.
2. Maging resourceful tayo upang mahanap natin ang sagot o solusyon ng ating mga problema.
3. Hindi tayo nag-iisa kaya huwag tayong matakot lumapit at magpatulong sa ating mga kaibigan, pamilya o mga mahal sa buhay na nand’yan parati upang sumuporta.
4. Huwag matakot gumawa ng unang hakbang dahil kapag nasimulan mo na, go na yan ng go.
5. Sa kabila ng lahat ng dinanas o anuman sa buhay natin, tingnan natin ang kabilang side nito — ang magandang parte.
6. Gumawa tayo ng desisyon na pinag-isipan upang hindi lumala ang sitwasyon sa gagawin natin.
7. Magdasal tayo; manalig tayo; lumaban tayo; at dapat maging matatag tayo.
8. Subukang huwag pasanin ang lahat ng problema ng buo. Ilaan din ang ilang oras para sa sarili mo o sa ibang bagay.
9. Isipin natin na ang lahat ay lilipas din at sisikat din ang araw sa buhay natin.
10. Sa ating muling pagbangon at sa muling paglalakbay, huwag nating kalimutan ang mga natutunan natin sa bawat dagok na iyon sa buhay natin. Gamitin natin ang mga ito para sa mga susunod na laban.


Mga Sisiw na Kaligayahan


Let's save the world! (Photo source: www.themombuzz.com)

Let’s save the world!
(Photo source: http://www.themombuzz.com)

Libre po ang service ko. (Photo source: www.outrageouspower.com)

Libre po ang service ko.
(Photo source: http://www.outrageouspower.com)

Lahat ng pangarap ko noon ay natutupad; kahit anong oras, kahit anong panahon, at kahit gaano man ito kataas. Minsan, walang makapipigil sa akin sa aking pagiging isang doktor; lahat sumisigaw at pumapalakpak sa panahong ako’y nagiging isang sikat na super hero; minsan naman, ubod ng tamis ang aking naririnig na papuri sa bawat larawang aking naguguhit. Higit sa lahat, nakakatuwa ang panahong isa akong prinsipe na pinakamamahal ng kamahalang hari at reyna. Ang lahat ng mga ito ay ilan lamang sa mga hawak ko noon; noong panahong di ko pa alintana ang problema ng mundo; noong panahong ako’y bata pa na may musmos na kaligayahan lang.

I'm the next king in town! (Photo source: roamingglass.blogspot.com)

I’m the next king in town!
(Photo source: roamingglass.blogspot.com)

Tunay na kay sarap balikan ang panahong iyon sa aking buhay dahil ngayong ako’y malaki na at nasa tamang gulang at pag-iisip na, mas nakita ko na hindi pala ganoon kadali ang buhay. Ang simpleng buhay ko noon ay masyado ng kumplikado ngayon. Ang lahat ay di na gaya ng dati. Sa bawat pangarap ko ngayon, dapat tumbasan ko na ito ng tiyaga, sipag, at paniniwala dahil ang katuparan ng mga ito’y sa tamang panahon pa ibinibigay na hindi ko alam kung talagang kailan. Sa buhay ko din ngayon, ang musmos na kaligayahan na meron ako noon ay mukhang naglaho na ngunit ipinagpapasalamat ko dahil alam ko sa sarili ko na masaya ako anuman ang meron ako ngayon. Di na man ganun kadali ang maging isang doktor, super hero, engineer, o pintor, ngunit sa mga pinagdaanan ko ngayon, masasabi ko namang natuto akong lumaban at bumangon gamit ang sarili kong mga paa habang hinaharap ang bawat realidad ng buhay. Sa tulong ng Panginoon at kasamang mga mahal sa buhay, tiyak akong makakamit ko ang hinahangad kong tagumpay na nagsimula lang noon sa aking mga sisiw na kaligayahan. Yun o!

Just enjoying life's success. (Photo source: www.isocialize.com.au)

Just enjoying life’s success.
(Photo source: http://www.isocialize.com.au)