Category Archives: Current Events

Pulisya ng Pilipinas


police
(This photo is not my property :p)

Ilang beses ng naging sentro ng atensiyon ang ating mga kapulisan dala ng iba’t-ibang isyu na kinasasangkutan di lang ng kanilang departamento kundi maging sa kanila mismo. Ngayon, muling naging mainit ang mata ng bayan sa kasalukuyang balak na pagpapalit ng mga bagong disenyo para sa uniporme na ating kapulisan. Sa isang fashion show na kanilang ginawa, rumampa ang ilang makikisig na pulis suot ang mga disenyo ng uniporme na pinagpipilian. Ilan sa mga ito ay gawa ng mga kilalang designer sa bansa. Sa tingin ng masa, hindi ang sinusuot na uniporme ang dapat pagtuonan ng pansin kundi ang mga nagsusuot. Marami-rami pa rin kasi sa ating mga pulis ang pasaway. Pero kung ang pagpapalit ng mga bagong naaangkop na uniporme para sa kapulisan ang isa sa daan ng “total transformation” na hinahangad ng kanilang departamento, siguro ay kailangan din ito. Nawa’y sa magiging bago nilang uniporme ay magbago na ang mga pasaway na pulis upang makamit nilang lahat ang respeto at mataas na pagkilalang kabalikat ng kanilang sinusuot na uniporme. Ang pagiging marangal naman ay hindi nakabatay sa damit na sinusuot kundi sa klase ng ginagawa mo mismo. Para sa ating mga pulis ng bayan, ipagpatuloy sana ninyo ang pagbabago para sa tuwid na daan. Alam kong hindi madali ang responsibilidad na ginagampanan ninyo para sa bayan kaya taas noo akong sumasaludo sa inyong lahat!


Pilipinas o Filipinas


Philippine Flag

Isa sa mainit na pinag-uusapan ngayon ay ang resolusyong ipinasa na naglalayong palitan ang kasalukuyang gamit na pangalan/tawag ng ating bansa na “Pilipinas” at gawin itong “Filipinas”. Oo, sabihin na nating may basehan nga sila ukol dito dahil “Filipinas” nga daw ang orihinal na pangalang ibinigay sa ating bansa batay sa kasaysayan ngunit sa tingin ko (at sa ilang nakararaming Pinoy) ay hindi na ito napapanahon para ipatupad o aprubahan pa. Ang tanong kasi dito ay ano naman ang magandang epekto kung maipatutupad ang paggamit ng “Filipinas”? May magbabago ba sa ating bansa? Hindi kaya magdudulot lang ito ng gusot at kalituhan para sa ating lahat? Kung tayo na lang siguro ang isa sa mga mabibilang na bansa na hindi pa nagpapalit ng pangalan ng ating bansa, maaari pa siguro itong mangyari gaya na lang ng ating pagpapatupad ng K+12 Program sa larangan ng edukasyon; pero kung hindi naman pala ganoon talaga ka kailangan ay mas mabuti pa sigurong panatilihin na lang ang dati, nakalakihan, at patuloy na minamahal na pangalang “Pilipinas”. Wala na naman sigurong magsasabi pa sa ating mga Pinoy na mali ang pangalan ng bansa na ginagamit natin at dapat ganito ang ginagamit ninyo dahil matagal na tayong naging malayang bansa mula sa ating mga mananakop. Ngayon, tayo na mismo ang may karapatan dito; tayo na mismo ang may hawak ng lahat upang ating maipakita, maipakilala, at maipagmalaki sa buong mundo ang tatak Pinoy na taglay natin. Ang pangalang “Pilipinas” na pinoy na pinoy ang isa sa mga ito. Kaya, tabi-tabi muna “Filipinas” at dadaan ang jeep ng isang mabuhay na “Pilipinas”! :b

P.S.
The Philippine Flag picture above na gamit ko ay hindi aking sariling kuha at kinikilala ko ay nagmamay-ari ng larawang ito.